Books

Ang Libreng Bakasyon at Gamot

“Sa pagbasa ng isang magandang aklat, dapat mag-iwan ito ng maraming karanasan sa iyo, bukod pa sa kaunting pagod. Dapat kang mabuhay ng iilang buhay habang binabasa ito. (A great book should leave you with many experiences, and slightly exhausted. You should live several lives while reading it.)” -William Styron, manunulat

Simula pa noong bata ako, mahilig na ako magbasa. Hindi ito limitado sa pagkukuha ng isang aklat sa aking munting biblyoteka at pagpatong sa kama habang ako’y dumapa. Pati ang mga salita ng mga kanta sa isang CD at ang pagsasalamat ng mang-aawit ang mismong binabasa ko. Hindi rin tatakas sa mga mata ko ang mga nakasulat sa isang kahon ng pang-almusal na siryal.

Sa pagbasa ng isang aklat, nobela man o almanake, sinasakop ng aking mga mata at utak ang lahat – uulitin ko, ang lahat. Maski ang impormasyon ukol sa karapatang magpalathala, ang pambungad, at ang pagsasalamat ay binabasa ko. Aaminin ko na minsan, pasok-labas lamang siya sa aking mga mata, ngunit kadasalan ay tumutungo sa utak ang binabasa ko at hindi na posibleng mawawala ito sa aking alaala. Hindi ko siya maaalala, maaari, ngunit alam kong naandyan lamang siya.

Mayroong isang pangyayari sa aking kabataan na ngayon ay napapatawa na lamang ako kung inaalala ko iyon. Iyon ang panahon na lumabas ang nakakaiyak na pelikula na batay sa paglubog ng bapor Titanic. Nakita ko ang isang aklat ng kuya ko – isang nobelang tinititulong A Night to Remember ni Walter Lord., ukol sa paglubog ng Titanic. Kakukuha ko lamang nito at sisimulain ko na sana ang pananakop ko sa kuwentong ito nang pinigil ako ng aking kuya, at sinabi niya sa akin na masyadong mahirap iyon na babasahin para sa akin, at tinangka niyang bigyan ako ng mas simpleng salin. Simple nga siya – mayroong mga larawan pa, at ubod nang nipis ng aklat!

Natapos ko na rin kaagad ang manipis na aklat-kuwentong ito, at ninais ko pang basahin ang “mahirap” na nobela. Hindi ba nila naiintindihan, ang isip ko sa sarili ko, na kayang-kaya ko itong basahin?

Ano ang ibig kong sabihin sa aking inkuwentong sipi ng aking buhay? Ano nga?

Ang pagbabasa ay isang prosesong nagbibigay-malay kung saan bumubuo ang ating mga utak ng isang makabuluhang kahulugan sa mga karakter na ating nakikita sa harap natin. Ito ay isang uri ng komunikasyon – sa pagbabasa, mas nagkakaroon ng pag-unawa ang tao sa mundong pumapaligid sa kanya. Samakatuwid, nagkakaroon din ng pagbabahagi ng impormasyon at mga ideya sa pagbabasa.

Hindi mahilig magbasa ang lahat ng tao. Maraming mga nagsasabing hindi ito mahalaga sa kanila, wala silang oras para rito, nakakatamad siya, atbp. Kung dati, isa itong karaniwang libangan sa mga tao, ngayon, lalo na sa kasalukuyang mundo na kung saan “mabilis” ang lahat, wala na ngang natirang espasyo para sa pagbabasa.

Wala nga ba?

Bilang isang mag-aaral, magkakasala ako sa harap ng Diyos kung sinabi ko’y hindi ako nagbabasa. Simula pa lamang bago pumasok sa nursery, nagbabasa na ako na may nakadependeng pagmamarka rito. Nang tumanda ako at tumaas ang baitang, parami ng parami na rin ang mga babasahin ko – sa halos lahat ng asignaturang kinukuha ko. Sa ikatlong baitang, nagsimula na kami magkaroon ng isang nobela kada taon. Sa ikapitong baitang, nagdoble ito. Sa mataas na paaralan, may isang aklat kami sa bawat markahan (apat sa isang taon – dalawang markahan bawat semestre). Tuwing taon, isang dula ni Shakespeare ang aming inaaral at sinusuri.

At sa asignaturang Ingles lamang iyon. Sa mga ibang asignatura tulad ng Filipino, nagbabasa rin kami. Ngunit sa isang dahilan na hindi ko maipapaliwanag, hindi ako magaling magbasa sa Filipino. Mabagal at minsan ay hindi ko mauunawaan ang aking binabasa. Subalit, sinasabi ko sa sarili ko, “Sige lang. Kaya mo iyan.” Para sa marka rin iyon, inisip ko.

Ngunit, sa marka nga lang ba iyon?

Sigurado namang hindi tayo nagbabasa upang magbasa lamang. Sa Ingles, hindi siya isang “end in itself”. Hindi siya katapusan. Sa katunayan, simula lamang ang pagbasa. Simula ito ng isang mahabang proseso na, kung nagawa nang mabuti, ay magiging lunas sa mga sakit ng lipunan ngayon. Isa siyang gamot na hindi mahal at hindi masakit, at mabuti lamang ang mga ikalawahing epekto nito.

Sa pagbabasa ng isang, sabihin natin, kuwento, pumapasok tayo sa mundo ng mga tauhan sa kuwentong iyon. Tila isang diyos o (sa mga kuwentong gumagamit ng una o ikalawang pananaw) manlalakbay tayo na, sa pamamagitan ng pagbasa ng kuwento, ay nagkakaroon ng ideya ng buhay ng lipunang sinusubaybayan. Sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, nalalaman natin ang kanilang mga paniniwala, sinasabi, iniisip, ginagawa – ang kanilang kultura.

Puwes, ano ang halaga ng pag-alam sa kanilang kultura, ang kanilang pamumuhay? Kung manlalakbay tayo habang nagbabasa, ang mismong pagbabasa ang isang bakasyon. Isa siyang paglalayag. Makikita natin ito sa dalawang antas:

Una, mayroong nangyayaring malapantasyang bakasyon: isang libreng bakasyon sa sarili mong tahanan, at hindi mo na kailangan gumalaw! Iyon ang bakasyon na kung saan tayo’y animo diyos o manlalakbay na nagkakaroon ng kaalaman sa pamumuhay ng mga tao.

Ikalawa, sa isang mas malalim ng bunga ng gawaing ito, nagiging gamot ang pagbabasa. May sakit ang mundo ngayon, at hindi lamang ito global warming, kundi isang sakit na inilarawan na ni Rizal sa kanyang kilalang nobelang Noli me Tangere: isang panlipunang kanser. Nakaririnig tayo ng mga kuwento ukol sa pulitika sa maraming bansa sa mundo ngayon. Katiwalian ng mga maykapangyarihan. Pagtutulisan ng mga tao sa mapayapang paraan. Ang pagpasok ng mga organisasyong international gaya ng U.N. o di kaya’y Amnesty International upang tumulong sa mga sensitibong isyu.

Siguro nga, tumutuloy pa rin ngayon ang Mandate of Heaven na pinaniniwalaan ng mga Tsino sa makalumang panahon. Sa ibang paraan nga lamang.

Paano makakatulong ang pagbabasa sa paglunas sa sakit na ito? Maihahambing ito sa kasaysayan. Sa Ingles, “history”. His Story. Ang kuwento niya, kung tutuusin. Ano ang halaga ng pag-aaral ng kasaysayan, kahit pag nababaliw na ang mga mag-aaral dito? Matututo tayo mula sa pinagdaan. Kung anong pagkamali nila, pag-uunlaran natin sa ating kasalukuyang lipunan. Subalit hindi ito lagi ang nangyayari. Minsan, baligtad ang nangyayari.

Ngunit hindi ito isang senyas na dapat sumirit na lang tayo. Gaya ng kasaysayan, mayroong mga bagay na matututo natin mula sa mga pinagbabasa natin. Hindi lang ito isang field trip, datapwat ilalapat din natin sa ating mundo ang ating natutunan sa pagbabasa… kung mabuti ito. Siyempre, kung di mabuti ito, huwag na.

Sinasabi ngang salamin ng lipunan ang panitikan. Oo, nakikita ito sa mga nobela gaya ng Noli at Fili, at pati na rin ang Dekada ’70 at Sa Mga Kuko ng Liwanag. Subalit kung isinuri ito muli, nagiging tugunan ang ugnayan: Salamin din ang lipunan ng panitikan. Pero magiging totoo ito kung pinayagan lang natin.

Upang maging gamot ng lipunan ang pagbabasa, hindi maaari magbasa para lamang magbasa. May mas malalim na bunga ito, nakikita man o hindi. Una, kailangang pumasok sa utak natin ang ating nababasa – at dapat maalala natin ito. Ikalawa, kung ano ang mga mabuti o kapaki-pakinabang na natututo natin, ilapat natin ito sa ating mga sarili. Upang baguhin ang lipunan, kailangan muna baguhin ang sarili – at kasama na rin dito ang bagong pagtanaw sa pagbabasa. Ikatlo, ipagkalat ang ugaling ito sa mga tao sa lipunan.

May pagkaka-ideyal ang prosesong ito, aaminin ko. Ngunit hindi natin matatanggi na isang epektibong lunas ito kung di man sa buong lipunan, maski sa sarili at sa iilang nabigyan natin ng impluwensiya. Hindi maaari na magiging ignorante lamang tayo sa mga nangyayari sa ating mga paligid, at sa pagbabasa, unti-unti ay nawawala ang pagiging ignoranteng iyon. Tumutungo tayo sa daan na papunta sa kaliwanagan. Sa pagbabasa, nobela man o pahayagan o ensiklopedya, mas nagkakaroon tayo ng kaalaman tungkol sa daigdig na ating ginagalawan, at lagi ito isang nakakatulong na kasangkapan sa pagkakaroon ng mabuting pag-unlad sa lipunan.

Kaya tara na, mga kasama, at tayo’y mamuno na. Mamuno na sa pamamagitan ng pagkuha ng libreng bakasyon at gamot na ito. Libre na nga, hindi ka pa mahihirapan! Magbasa na!

What are your thoughts?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s