Bakit ko ginagawa ang ginagawa ko?
Naitatanong lagi sa akin iyan (ngunit hindi sa ganiyang paraan lagi), at nakakabigo tuwing nahihirapan akong sagutin ito. Ngunit alam ko rin na tama ang aking ginagawa, tama dahil iyon ang daan ng pag-ibig ng Maykapal. Kaya, kahit papano, ako’y namamayapa.
Naniniwala ang aking tagapayo na mangyari nating gamitin ang ating mga buhay rito sa daigdig upang maghanda para sa langit – kung tatanggapin man tayo ng Mabuting Panginoon, sa ating walang-tigil na pagsasala. At ang pinakamabuting paraan na maganap ito ay ang pamumuhay batay sa ating pananampalatayang Kristiyano – mabuhay gaya ng pagbuhay ni Kristo – ang pamumuhay para sa kapwa at hindi lamang sa sarili. Batay sa Mabuting Balita ayon kay Mateo, “huwag [tayong] mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na [rito’y] sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw: Kundi mangagtipon [tayo] ng mga kayamanan sa langit, na [roo’y] hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo’y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw.” (6:19-20) Sinabi rin ni Kristo, maya-maya, na hindi tayo makapaglilingkod sabay sa Maykapal at sa kayamanan (6:24).
Kaya, walang kahit anong bisa ang itong mga kayamanan at katanyagan sa langit; hindi lang iyon, mali pa natin kung di-wasto ang asal natin sa paghahabol ng itong mga luho. Ikaw, magugustuhan mo bang mabuhay nang walang hanggan sa impiyerno, o nang mas matagal sa purgatoryo?
Bago ako nagtapos sa pamantasan, binigyan kami ng aming dekano ng kaunting karunungan na hanggang ngayon ay aking isinadamdamin: na mangarap nang malawak, na isama ang kapwa sa itong pangangarap, na hanapin ang piling ng Diyos sa lahat, at maging kapuri-puri sa mata ng aming pinanggalingan. Oo, malawak ako mangarap, ngunit aaminin ko na dati, pati ang aking mga pinakamalalim na hinihiling, lahat ay makasarili lamang. Halimbawa, hanggang ngayon, gusto ko pa rin maging nobelista, at sa totoo, sinusulat ko na habang may oras ako. Ngunit dati, ginusto ko maging may-akda upang maging mayaman at kilala ang pangalan ko: ang sumunod na J. K. Rowling o J. R. R. Tolkien. Dati, ginusto ko ring maging magaling sa maraming wika upang lamang maipakita sa mundo ang aking kagalingan at tuluyang lumangoy sa mga puri ng marami.
Ngunit, halos ganap na tatlong taon na nakaraan, nagbago ang lahat. Inanyaya akong pumunta sa Enchanted Farm ng Gawad Kalinga sa isang paglalayag na paglantad, bago kami umalis ng bansa para sa JTA. Sa loob ng isang araw lamang, nagbago ang buhay ko.
Napagtanto ko na mayroon akong layunin: na tumulong sa paglunas ng pinakamatagal at pinakamahalagang suliranin sa lipunan: ang karukhaan. Dati pa nama’y gusto ko nang tumulong sa mga batang-lansangan at mga pulubi sa mga daan ng Maynila, ngunit hindi ko alam paano. Ngayon, alam ko na: Ninais kong maging negosyanteng panlipunan.
Ngunit nag-alinlangan pa rin ako minsan. Bakit ko ninais maging ganoon? Talaga bang naramdaman ko ang kanilang kalagayan? O nakikiuso lamang ako, at ang tunay na hinahanap ko ang luwalhati at puri na tatalikuran ko ang milyung-milyon upang tumulong sa mahihirap? Kaya, sa buong panahon ng huli kong taon sa pamantasan, pabalik-balik ako sa Enchanted Farm kasama ng Frontline Social Enterprises Development Corp., ang negosyong panlipunan na nag-anyaya sa akin dati at ngayo’y tinanggap ako bilang kasapi.
Nang magtapos na ako, alam kong nais kong pumasok sa akademiya at ilublob ang sarili sa wika, sabay maging negosyanteng panlipunan na nakatutok sa pagtulong sa pag-unlad sa Pilipinas. Ngunit nagpasya akong maghakbang nang pa-unti-unti lamang muna. Nagpahinga ako (sabay sa paglalakbay kasama ang mga kamag-anak). Natuto rin akong magluto, isang maaaring pamuhunan para sa negosyo (at sabay rin doon, mas kakayanin kong alagaan ang sarili).
Sa Agosto ng taong iyon – mukhang lagi akong may pinaglulunduan tuwing buwan na ito – nagbago ang mga natutunan ko at naging mas dakila ang mga ito; simula noon ay patuloy-tuloy na ito. Nagbago rin ang pag-iisip ko – sa isang panahon na akala ko’y hindi ko na kailangang magbago. Napakamali at napakasakim ko.
Nagtayo ang isa sa mga negosyanteng nakilala ko sa GK ng kasanggunian para sa mga negosyong panlipunan, kasama ang isa kong kasama sa Frontline (na ang kabalintunaan ay ako pa mismo ang nagpakilala sa kanya); inanyayahan ako na maging kalihim ng kompaniya. Nasa ilalim ang kasangguniang ito ng pundasyong aking pinagtatrabahuan ngayon bilang boluntaryo, ang Benita & Catalino Yap Foundation (BCYF). Ngunit itinigil ko ang aking pagiging kasangguni dahil hindi ko nagustuhan ang pagbebenta, ang itinakdang papel sa amin.
Ngayon, minamahala ko ang isang proyektong pantaguyod ng BCYF na ang dugtong ay nasa talaan sa pinakaitaas ng website na ito: ang CSR Bookshelf. Isa siyang silid-aklatang pananaliksik na nasa Internet para sa mga nag-aaral at nagtuturo ng CSR, kaya akala ko’y ganap para sa akin ito dahil ninanais ko ang akademiya at mahilig akong mag-ayos ng mga gamit.
Ngunit may mga panahon pa rin na sa tingin ko’y hindi ko napupuno ang aking layunin, isang layunin na – napagtanto ko – napupuno sa pagsusulat pala. Sa pagtutulong ng aking mga kasama, sinubukan ko pa ring makita at pahalagahan ang buong eksena. At nakita at pinahalagahan ko talaga.
Ginagawa namin ang ginagawa namin dahil naniniwala kami sa karangalan ng tao – na ang bawat tao ay isang natatangi na may sariling kakayahan at mga posibilidad. Bukod doon, nais naming mahugot ang karangalang ito para sa layunin ng pag-unlad ng bansa – na ang pinakakongkretong paraan ay ang negosyong panlipunan. Ngunit: ang negosyong panlipunan na naka-ugat sa tinatawagan naming CSR 3.0.
Ano ang ibig sabihin nito? Naniniwala kami, batay sa pagtuturo ni Dr. Wayne Visser – na siyang nagbigay ng pangunahing tono sa unang kapulungang pananaliksik sa CSR ng BCYF – na maaari pang umunlad ang kinaugaliang corporate social responsibility upang makamit nito ang mga layuning panlipunan. Si Dr. Visser ang may pakana sa transformative CSR o “CSR 2.0” – ang corporate sustainability and responsibility – na hindi maaaring pandaragdag lamang ang CSR sa mga gawain ng isang samahan. Dapat, isinadamdamin ng samahan ang CSR – iyon ang dahilan mismo na nariyan ang samahang iyan: ang pangunahing layunin ang paglunas ng isang suliraning panlipunan sa pamamagitan ng negosyo. Ngunit, itunuloy pa ng BCYF.
Ispirado sa mungkahi ni Dr. Francisco Roman ng AIM na maging citizenship, sustainability, and social responsibility ang hulugan ng CSR, kumilos ang aming pangulo batay sa kaisipang hindi magkakaroon ng tunay na pananagutang panlipunan kung hindi sa sarili mismo nagsimula ito bago pa man sa samahan. Inangkin niya ito bilang “CSR 3.0”, na siyang pinapaligid hindi lamang ang CSR 2.0 ngunit pati rin ang pagboboluntaryong may layunin, kawanggawa, at pansariling mabuting pamamahala. Sa mungkahing “pagtatak” ng isang katrabaho, inilathala ng BCYF ang “pamumuhay ayon sa CSR” – bawat isa sa ating mga gawain ay mangyaring naka-ugat sa layunin ng pananagutang panlipunan, kasama ang pinakamakumbabang gawain.
Sumasang-ayon ako. Hindi magkakaroon ng tunay na pag-uunlad kung isang bahagi lamang – gaya ng bahaging pang-ekonomiya – ang umunlad; kailangan nito maging pangkalahatan. Ito ang isinulat ng dating papang Benedick XVI sa kanyang encyclical na Caritas in Veritate noong 2009. Hindi pag-uunlad ang pag-uunlad kung ang iilan lamang ang nakikinabang at ang madla’y naiiwan, na walang pagbabago sa kanilang kalagayan o, mas matindi, naghirap pa sila lalo. Ngunit, ito ang nangyayari sa ating bansa, at isa ito sa mga pagbabanta ng masyadong pagtutok sa karera, at iba pa.
Napagtanto ko nang paulit-ulit ang kahalagahan ng aking ginagawa. Kung walang pagtitipon ng maayos na saliksik, nawawalan ng batayan ang ating mga sinasabi – at kasama sa maayos na saliksik ang mas malalim na inspirasyon na maisalin ito upang naiintindihan ito ng lahat.
Sa kabilang dako, walang bisa rin ang ating mga ginagawa kung hindi natin kayang ipanatili ang mga ito – ang “S” ng CSR ay sustainability. Para sa akin, kasama rito ang pansariling pananatili ng mga gumagawa ng mga gawing ito. Ngayon, hindi ko na hinahabol ang kayamanan nina J. K. Rowling o Dan Brown, ngunit ninanais kong matalakay ang mga suliraning panlipunan sa pagsusulat ko, at gamitin ito bilang pampasigla sa iba na mamuhay ayon sa CSR.
Hindi namin balak na deretsong sakupin ang mundo sa panlipunang pagbabago, dahil nasa maraming tao iyon. Sa halip nito, inaasahan naming makamit ang pagbabago sa sarili naming mga maliliit na kalipunan, na sana’y maraming kabataang makikinig at sila mismo’y maging kinatawan ng pagbabago sa kanilang mga kalipunan din – at magkaroon ng bungang pagpaparami na magkakaroon ng mabuting salpok sa buong bansa at mundo.
Kung tutuusin, nakakakaba at nakakatuwa sabay. Mas malaki ito kaysa sa aming lahat na pinagsama, ngunit kung nagawa namin ang kailangang gawin nang mabisa, may kakayahan itong baguhin ang mundo. Para sa kabutihan. At para sa luwalhati lamang ng Maykapal at wala nang iba. Kaya nakakatuwa siya, at kaya narito pa rin ako, ginagawa ko ano ang ginagawa ko.